Parusa sa mga namemeke ng RT-PCT test at Medical certificates, isinusulong na maragdagan
Isinusulong sa Senado ang panukalang taasan ang parusa sa sinumang namemeke ng medical certificates, swab test results at vaccination card sa panahon ng national health emergency.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ang mga paglabag na ito ay nakasaad na sa Article 174 ng Revised Penal Code na may parusang isang araw hanggang anim na buwang pagkakabilanggo at multang aabot sa 200,000 piso.
Pero sa kaniyang inihaing Senate Bill 2315, nais ng Senador na itaas pa sa anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong ang parusa sa mga mapatutunayang nameke ng mga ganitong dokumento habang itataas sa 250,000 hanggang isang milyong piso ang multa.
Katwiran ng Senador ngayong may Covid-19 Pandemic, may mga nagsasamantala at namemeke ng mga dokumento tulad ng RT-PCR test.
Sa panukala, pinaaamyendahan ang Article 174 ng batas kung saan sakop ng mga maaaring maparusahan ang mga physician o surgeon na mapatutunayang nagbigay ng pekeng certificate.
Meanne Corvera