Pasay vaccination site, napuno ng mga nagpabakuna para sa last day ng malawakang vaccination drive
Dinumog ang Pasay City West High School ng mga nais magpabakuna sa huling araw ng National COVID-19 Vaccination Days.
Ang paaralan ang isa sa limang vaccination sites sa Pasay na binuksan para sa malawakang inoculation drive ng gobyerno upang labanan ang COVID.
Puno ang covered court ng eskuwelahan ng mga naghihintay na mabakunahan habang may mahabang pila rin ng mga tao sa labas.
Sa nakalipas na dalawang araw ng bakunahan sa Pasay, umabot sa 7,091 ang nakatanggap ng una at ikalawang dose at ng booster shots.
Kampante ang city health officials na makakamit nila ang target na humigit kumulang 10,000 katao para sa tatlong araw na vaccination drive.
Isa sa mga nagpabakuna sa Pasay West High School ay si Ester Bagadiong, 73 years old na nagpaturok ng booster para matiyak ang proteksyon laban sa virus.
Bagamat mataas ang vaccination rate sa lungsod, umapela ang city health office sa publiko na patuloy na mag-ingat lalo na’t may banta ng bagong variant na Omicron.
Hinimok din ng Pasay CHO ang mga nagpaturok na kumpletuhin ang dose ng bakuna at kung kuwalipikado ay magpa-booster shot.
Moira Encina