Pasig river, kalahok sa Asia Riverprize
Ikinagalak ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), ang pagkakapili sa IIog Pasig bilang finalist sa kauna-unahang Asia Riverprize ng prestihiyosong International River Foundation (IRF).
Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Pepeton” E. Goitia, ito na ang ikalawang pagkakataon na napabilang ang ilog pasig sa isang pandaigdigang pagkilala.
Noong 2017, ang Pasig river ay itinanghal bilang runner-up ng nanalong San Antonio river ng Texas, USA, sa Thiess International Riverprize competition.
Ayon kay Goitia, ang magkakasunod na pagkakapili ng Pasig River bilang finalist sa 2017 at 2018 Thiess International at Asia Riverprize, ay katunayan ng pagkilala ng mundo sa pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas, na maibalik ang likas na taglay na ganda ng ilog Pasig.
Ang IRF ay nagkakaloob ng pagkilala at pabuya sa mga organisasyon na nagsisikap para isakatuparan ang mga hakbang, sa “effective river basin restoration and management programs”.
Ang kumpetisyon ay tinawag na Asia-Pacific Riverprize awards, kung saan may mga kalahok mula sa New Zealand, Australia, at 45 iba pang mga nasyon.
At dahil sa dami ng bilang ng entries na kanilang natanggap, ay hinati sa dalawang kategorya ang Asia-Pacific Riverprize ay ito ay tinawag na Asia Riverprize at Australasia Riverprize.
Matapos naman ang serye ng mga deliberasyon ay inanunsiyo ng IRF ang mga organisasyon na napasama sa Asia Riverprize finalists, ito ay ang Pasig river mula sa Pilipinas at ang Yangtze river ng China.
Idinagdag pa ni Gotia na noong 2017, ay tanging ang Pilipinas lamang ang napasama sa patimpalak na nagmula sa Third World at developing country at nakapasok sa finals.
Umaasa naman si Gotia na kayang maungusan ng Pilipinas ang Red Dragon ng China para sa Asia Riverprize ngayong taon.
================