Pasok sa Manila Science Highschool , sinuspinde dahil sa mercury leakage
Suspendido ang pasok ng mga estudyante sa Manila Science Highschool dahil sa mercury leak kung saan isang guro ang na-ospital.
Nabatid ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office na noon pang March 11 nangyari ang mercury leak kung saan tumapon ang apat na vial ng mercury at tatlong unknown radioactive materials na nakalagay sa malaking garapon habang naglilinis sa loob ng stock room ang dalawang estudyante at dalawang teacher.
Dahil dito, sinabi ni MDRRMO Chief Johnny Yu na halos dalawang linggo ng lockdown ang eskwelahan.
Isa anya sa mga teacher ang naglinis ng tumapong mercury at may tumulong na janitor.
Ayon kay Yu, nitong linggo lamang ito naipagbigay alam sa lokal na pamahalaan ng Maynila ang insidente matapos magkasakit ang teacher na naglinis ng tumapong mercury at dumulog sa Department of Health.
Patuloy pang inoobserbahan ang guro na nagkasakit sanhi ng mercury leak.
Nagtungo ang DOH sa Manila Science High School at nakumpirma na mataas ang reading o dami ng mercury na tumapon sa loob ng laboratoryo.
Ang DOH naman ang dumulog sa Manila City Government.
Inilagay naman ng Bureau of Fire Protection ang tumapong mercury sa loob ng selyadong basurahan at hinihintay na lamang ang kinatawan ng DENR para sa proper disposal ng nakamamatay na kemikal.
Mananatili namang suspendido ang pasok sa Manila Science High School hanggang hindi nalilinis ang lugar at maideklara ng DENR na ligtas na para magdaos ng klase ang mga estudyante roon.
Ulat ni: Moira Encina