Passenger information system para mapalakas ang laban sa terorismo at transnational crimes ng bansa, inilunsad ng DOJ at United Nations

Tiwala ang gobyerno na mas lalakas pa ang border security at ang laban sa terorismo at transnational crimes ng bansa sa tulong ng bagong lunsad na Advance Passenger Information (API) System sa Pilipinas.
Pinangunahan ng Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration at United Nations Office of Counter-Terrorism (UNOCT) ang paglulunsad sa border control system.
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez, na gagamitin ng bansa ang ‘GoTravel’ software solution ng UN para mapaigting ang seguridad sa borders ng bansa sa pamamagitan ng pag-analisa sa passenger data bago pa man dumating ang mga ito.

Ayon kay Vasquez, “With the use of Advanced Passenger Information (API) and Passenger Name Record (PNR) system, we will be able to identify risk before they reach our borders, prevent individuals link to terrorism and transnational crime from moving freely and improve law enforcement and coordination across agencies.”
Bukod sa mga terorista at iba pang mga banta, mas mapipigilan na rin ng sistema ang pagpasok sa bansa ng mga pugante, mga nasa criminal watchlist at mga nasa listahan o red notice ng Interpol.
Sinabi naman ni Immigration Commissioner Joel Viado, na isang hakbang ang sistema para mamodernisa at maging data- driven ang intelligence gathering at border control and security ng Pilipinas.

Photo courtesy: BI
Aniya, “Kung ang isang pasahero ay sumakay from a certain departure point at nagsusubok na pumasok ng Pilipinas habang nagbibiyahe pa lang sya malalaman na namin kung dapat ba siyang papasukin o hindi ito ang importance ng go travel solution na ito.”
Inihayag ni UN Office of Counter-Terrorism (UNOCT) Chief of Section Christine Bradley, na ang Pilipinas ang pinakaunang bansa sa ASEAN na gagamit ng GoTravel solution.
Sinabi ni Bradley, na obligasyon ng lahat ng UN member states na magkaroon ng kapasidad para makakolekta at makapaganalyze ng passenger data upang mapigilan ang terorismo.
Aniya, “Philippines being a member state has undergone the process to develp their capabilities..and now going live with the technology side someeting its obligations under un security council.”
Moira Cruz