Passenger jet nasunog habang papalapag sa Miami airport
Ini-imbestigahan na ng mga opisyal ang isang passenger jet na nasunog habang papalapag sa Miami international airport.
Ayon sa Miami-Dade fire officials, tatlo katao ang na-ospital nang masunog ang Red Air Flight 203 subalit wala namang nasawi o malubhang nasaktan sa mga lulan nito.
Makikita sa video footage ang paglilikas sa mga lulan ng McDonnell Douglas MD-82 aircraft, na nasa runway habang may makapal na usok na nanggagaling sa katawan ng jet.
Ayon sa National Transportation Safety Board (NTSB), ang US government agency na namamahala sa imbestigasyon ng civil aviation accidents, ang kaliwang main landing gear ng jet ay nag-collapse habang papalapag ito.
Pagkatapos ay nawala ito sa runway hanggang sa tuluyang huminto sa isang madamong lugar, habang nasusunog ang kanang bahagi nito.
Ayon sa Red Air, isang Dominican budget carrier na noong Nobyembre ng nagdaang taon lamang inilunsad, ang passenger jet ay paparating na mula sa Santo Domingo nang makaranas ng “technical difficulties.”
Narekober ng mga imbestigador ang cockpit voice recorder at flight data recorder nito. Sisiyasatin din nila ang runway markings at physical environment.
Sabi pa ng Red Air at ng NTSB, may lulang 130 pasahero at sampung crew ang nasabing passenger jet.
© Agence France-Presse