PATAFA sinuspinde ng POC
Maaari nang sumabak sa 31st Southeast Asian Games (SEAG) sa Hanoi, Vietnam na gaganapin sa Mayo, ang World No. 5 pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena.
Ito’y matapos suspendihin ng 90 araw ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), dahil sa pagkabigong alagaan at bigyan ng suporta ang kanilang mga atleta, partikular na si Obiena.
Ayon kay POC president Rep. Abraham “Bambol” To;entino . . . “Our constitution states that POC may suspend for any reason. However, it’s transparent that PATAFA has deliberately and intentionally disregarded our basic principles of promoting sports and development.”
Matatandaan na hindi binigyan ng endorsement ni PATAFA chief Philip Ella Juico ang SEA Games at Asian meet record-holder na si Obiena, upang makalahok sa World Indoor Championships sa Belgrade, Serbia na ngayon ang simula.
Hindi rin binigyan ng endorsement si Obiena para sa Vietnam SEAG, para sa susunod na World Championships sa Oregon na idaraos sa Hulyo at maging sa 19th Asian Games na gaganapin naman sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Ang 90-day suspension na ipinataw sa PATAFA, ay pagtitibayin sa regular meeting ng POC General Assembly sa Marso 30.
Sa sandaling mapagtibay, ang PATAFA ay mawawalan na ng kapangyarihan sa national athletics team na lalaban sa Vietnam SEA Games, na magbibigay naman ng pagkakataon kay Obiena na idepensa ang nakuhang gold medal sa 2019 SEAG na ginanap sa Pilipinas.
Samantala, sinuspinde rin ng POC ang Philippine Tennis Association (Philta), dahil naman sa hindi pagsunod sa atas ng International Tennis Federation (ITF) na amyendahan ang kanilang charter at magsagawa ng eleksiyon para sa mga bagong miyembro ng board.