Patakaran ni Pangulong Duterte na magsuot ng face masks kontra COVID-19 ang publiko , nananatili – Malakanyang
Hindi nagbabago ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang pagsusuot ng face masks bilang firstline of defense ng publiko laban sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na malinaw ang direktiba ng Pangulo sa Department of Interior and Local Government o DILG at sa Philippine National Police o PNP na ipatutupad ang Inter Agency Task Force o IATF resolution na obligado ang pagsusuot ng face masks.
Ayon kay Andanar, suportado ng Malakanyang ang legal opinion ni Justice Secretary Menardo Guevarra na dapat manaig ang IATF resolution na nag-oobliga sa publiko na magsuot pa rin ng face masks kaysa sa executive order ng local government na nagsasabing optional na ang pagsusuot ng face masks.
Ginawa ni Andanar ang paglilinaw dahil sa kontrobersiyal na kautusan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na hindi obligado kundi optional na ang pagsusuot ng face mask sa lalawigan ng Cebu.
Vic Somintac