Patay sa bagyo sa Brazil umakyat na sa 176
Umakyat na sa 176 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pagbaha at landslides sa Petropolis City sa Brazil, kabilang ang 29 na mga bata.
Ayon sa pulisya, 112 katao ang nawawala pa rin na nagdulot ng pangamba na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga nasawi habang patuloy ang paghuhukay ng rescue workers sa putik at debris na iniwan ng bagyo noong nakaraang Martes.
Dahil sa bilang ng mga nasawi, ang naturang bagyo na ang itinuturing na pinakamapaminsala sa kasaysayan ng siyudad na nasa timog-silangang bahagi ng Brazil, noo’y itinuturing na 19-th century summer capital ng Brazilian empire.
Dinaig nito ang isa pang malakas na bagyong tumama noong 1988 na ikinasawi ng 171.
Ayon sa mga opisyal, halos isang linggo makaraan ang trahedya, 143 sa 176 mga narekober na bangkay ang nakilala na.
Sinabi ng mga awtoridad na 24 katao ang nailigtas sa mga unang oras ng pananalasa ng bagyo, subali’t maliit na lamang ang tyansa na may makikita pang survivors ngayon sa ilalim ng wreckage.
Noong Biyernes ay nagtungo si Brazilian President Jair Bolsonaro sa disaster zone, at inilarawan ang lugar na tila pinangyarihan ng isang giyera.
Nagpaabot naman ng kaniyang pakikiramay at panalangin si Queen Elizabeth II sa mga taga-Brazil.
Aniya . . . “I am deeply saddened to hear of the tragic loss of life and destruction caused by the terrible floods in Brazil. My thoughts and prayers are with all those who have lost their lives, loved ones and homes, as well as the emergency services and all those working to support the recovery efforts.”
Ayon sa mga opisyal, hindi bababa sa 847 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa mga shelter, matapos mawasak ang kanilang bahay o di kaya naman ay napilitang lumikas.
Samantala, sinabi ng emergency officials na dalawa katao ang nasawi sa malakas na bagyong tumama nitong Linggo sa southeastern state ng Espirito Santo.
Sa nakalipas na tatlong buwan, hindi bababa sa 230 katao ang namatay dahil sa malalakas na bagyo sa Brazil, at ayon sa mga eksperto ang matinding mga pag-ulan ay pinalalala pa ng climate change.