Patay sa baha sa Indonesia umakyat na sa 41, 17 naman ang nawawala
Umakyat na sa 41 ang bilang ng mga namatay at 17 naman ang nawawala, bunga ng flash floods at cold lava flow mula sa isang bulkan sa western Indonesia nitong weekend, ayon sa isang local disaster agency official.
Ang ilang oras na malakas na mga pag-ulan ay naging sanhi upang gumulong pababa ang malalaking volcanic rocks mula sa isa sa pinaka-aktibong bulkan sa Indonesia, patungo sa dalawang distrito ng Sumatra, habang binaha naman ang mga kalsada, mga bahay at mga mosque.
Sinabi ni Ilham Wahab, West Sumatra disaster mitigation agency official, “Data as of last night, we recorded 37 dead victims… But from this morning it has grown again, the figure reached 41 (dead).”
Pinaghahanap naman ng rescuers ang 17 nawawala pa rin, tatlo sa Agam district at 14 sa Tanah Datar, kapwa pinakamatinding tinamaan ng baha at tahanan ng daang libong katao.
Aniya, “We are focused on first, searching and rescuing the victims, second, protecting the evacuees, protecting the vulnerable people.”
Nagmistulang ilog ang mga kalsada sa mga distrito, at nasira ang mga bahay at mosque.
Bumaha ng maputik na tubig at tinangay ang mga sasakyan papunta sa kalapit na ilog, habang ang volcanic ash at malalaking mga bato ay gumulong naman pababa mula sa Mount Marapi.
Ang malamig na lava, na kilala rin bilang lahar, ay volcanic material gaya ng abo, buhangin at maliliit na bato na dumadaloy sa mga dalisdis ng bulkan sa pamamagitan ng ulan.
Nagpadala ang mga awtoridad ng isang team ng rescuers at rubber boats upang hanapin ang mga nawawala at dalhin ang mga tao sa mga shelter.
Ang local government ay nagtayo ng evacuation centers at emergency posts sa ilang lugar sa Agam at Tanah Datar.
Sinabi ng national disaster mitigation agency, o BNPB, na 84 na mga bahay, 16 na mga tulay at dalawang mosque ang nasira sa Tanah Datar, pati ang 20 ektarya ng taniman ng palay.
Ang Indonesia ay lantad sa landslides at mga pagbaha sa panahon ng tag-ulan.
Noong 2022, nasa 24,000 katao ang inilikas at dalawang mga bata ang namatay sa baha sa Sumatra island, kung saan isinisi ng environmental campaigners sa deforestation na resulta ng pagputol sa mga puno ang paglala ng mga sakuna.