Patay sa banggaan ng tren sa India, 13 na
Umakyat na sa 13 ang namatay at humigit-kumulang 50 naman ang nasaktan nang magbanggaan ang dalawang tren sa timog-silangang India.
Nangyari ang aksidente makaraang lampasan ng isa sa pampasaherong tren ang isang signal sa pagitan ng mga bayan ng Alamanda at Kantakapalle sa Andhra Pradesh state.
Sa isang pahayag ay sinabi ng railway ministry, na natuklasan sa paunang imbestigasyon na “human error” ang sanhi ng banggaan.
Sinabi ng isang mataas na opisyal ng gobyerno na si Nagalakshmi S., “Thirteen passengers have been killed and 50 others are injured. Rescue operations are going on.”
Ayon naman kay Indian Prime Minister Narendra Modi, nakipag-usap na siya sa railway minister ng bansa tungkol sa “hindi inaasahang” pangyayari.
Aniya, “Authorities are providing all possible assistance to those affected.”
Ang India ay isa sa may pinakamalaking rail networks sa mundo at nakasaksi na rin ng ilang mga sakuna sa nakalipas na mga taon, na ang pinakamalala ay noong 1981 nang madiskaril ang isang tren habang bumabagtas sa isang tulay sa Bihar state, na ikinasawi ng tinatayang 800 katao.
Noong Hunyo, halos 300 katao ang namatay sa banggaan ng tatlong tren sa Odisha state, at noong Agosto ay hindi bababa sa siyam katao ang nasawi nang masunog ang isang bagon habang nagtatangkang gumawa ng tsa’a ang isang pasahero.
At sa mga unang bahagi ng buwang ito ng Oktubre, ay apat naman ang namatay nang madiskaril ang sinasakyan nilang express train sa Bihar.