Patay sa lindol sa Japan umabot na sa 161
Umabot na sa 161 ang bilang ng mga namatay sa nangyaring lindol sa Japan noong New Year’s Day.
Ang bilang naman ng mga nawawala ay bumaba sa 103 mula sa 195, ayon sa mga awtoridad sa central Ishikawa region na tinamaan ng 7.5-magnitude na lindol.
Ang lindol ay nagpatumba sa mga gusali, nagdulot ng isang malaking sunog at nag-trigger ng tsunami waves na higit isang metro ang taas.
Libu-libong rescuers ang ipinakalat sa buong Japan, subalit nahirapan ang mga ito sa kanilang rescue operations dahil sa mga kalsadang hindi maraanan at tinatayang 1,000 landslides.
Nitong nakalipas na dalawang linggo, ang rehiyon ay nabalot ng yelo na lalo pang nagpahirap sa mga operasyon.
Ang mas malamig na temperatura ay malamang na magpalala rin sa kondisyon ng mahigit sa 28,800 katao na nasa 404 na government shelters.
Babala ng regional government, ang patuloy na mga pag-ulan ay nagpapataas sa panganib ng mga bagong landslide, habang ang pagbagsak naman ng maraming yelo ay maaaring maging sanhi ng pagguho ng mas marami pang mga gusali dahil sa bigat nito.
Hindi bababa sa 2,000 katao sa maraming komunidad sa liblib na peninsula ang naapektuhan dahil sa nasirang mga kalsada, kung saan tinatayang 1,000 landslides ang sanhi upang hindi ito marating ng mga sasakyang magdadala ng ayuda.
Dahil dito ay naging mabagal ang pagdadala ng relief materials sa mga lugar na nawalan ng serbisyo ng tubig at kuryente.
Humigit-kumulang sa 20,700 mga bahay sa mas malawak na Ishikawa region ang wala pa ring suplay ng kuryente hanggang nitong Linggo, at higit sa 66,100 naman ang walang tubig.
Sinabi ni Prime Minister Fumio Kishida, “The first priority has been to rescue people under the rubble, and to reach isolated communities. The military has sent small groups of troops to each of the isolated communities on foot.”
Aniya, nagdeploy na rin ang gobyerno ng iba’t ibang police at fire department helicopters upang marating ang mga ito.
Ang Japan ay nakararanas ng daan-daang mga lindol kada taon, bagama’t karamihan ay hindi nagdudulot ng pinsala dahil sa mahigpit na ipinatutupad na building codes sa mahigit apat na dekada na.
Ngunit maraming mga istraktura ang luma na, laluna sa mabilis na tumatandang mga komunidad sa rural areas gaya ng Noto.
Ang bansa ay dinadalaw ng tinaguriang “monster quake” ng 2011 na nag-trigger ng isang tsunami, na nag-iwan ng humigit-kumulang 18,500 kataong patay o nawawala at nagdulot ng isang nuclear catastrophe sa Fukushima plant.