Patay sa pagsabog sa Armenia, umakyat na sa 16
Inihayag ng Emergency Situations Ministry ng Armenia, na ang bilang ng mga nasawi mula sa naganap na pagsabog sa isang mataong pamilihan sa Yerevan, kapitolyo ng Armenia ay umakyat na sa 16.
Ang pagsabog na naganap sa Surmalu wholesale market noong Linggo, ay nagdulot din ng injury sa 60 katao matapos magkaroon ng sunog at gumuho ang isang gusali.
Ayon sa pahayag ng ministry, “Sixteen bodies were found during search and rescue efforts,” at ayon sa mga opisyal higit sa 350 rescuers na ang nagtutulong-tulong.
Hindi pa rin batid ang sanhi ng pagsabog, ngunit batay sa local news reports at sa pahayag ng mga saksi, ang pagsabog ay naganap sa isang lugar kung saan nakaimbak ang fireworks.
Hindi itinuturing ng lokal na awtoridad na posibleng terror attack ang nangyari, at naglunsad na rin ng imbestigasyon ang prosecutors sa mga paglabag sa pag-iimbak ng flammable goods, hindi pagsunod sa fire safety standards at pagkamatay ng mga tao dahil sa kapabayaan.
Ang sakuna ay nangyari habang ang bansa na may tatlong milyong populasyon ay nasa recovery stage pa mula sa giyera nito laban sa Azerbaijan noong 2020, na natapos sa malaking pagkatalo at nagbunsod ng isang political crisis.
Pagkatapos ng pagsabog ay agad na inilikas ng mga opisyal ang mga tao mula sa Yerevan metro stations makaraan ang isang bomb threat, ngunit wala namang natagpuang explosive device ang mga awtoridad.
© Agence France-Presse