Patrol boats mula sa US, natanggap ng Pangasinan at La Union

Dalawang 30-foot fiberglass boats ang ipinagkaloob ng US sa provincial governments ng Pangasinan at La Union.

Ayon sa US Embassy, makatutulong ang mga bangka sa pagpapatrolya ng mga LGUs sa kanilang municipal waters at sa pagprotekta sa likas na yaman.

Bukod dito, nagbigay din ang Office of International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL) ng US Embassy ng 19- at 30-foot boat blueprints at boat molds sa Pangasinan State University (PSU) at Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU).

Courtesy: US Embassy

Nagkaloob din ang INL ng isang prototype boat sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Fishery Protection and Law Enforcement Group. 

Ang donasyon ay kasunod ng pagtatapos ng INL-sponsored na theoretical at technical training na dinaluhan ng mga architecture at engineering students ng PSU at DMMMSU, at provincial law enforcers.  
 
Idinisenyo ang kurso para mabigyan ng technical skills ang mga lumahok sa pagbuo ng patrol boats na gawa sa plastic-reinforced fiberglass sa halip na kahoy.

Moira Encina

Please follow and like us: