Patung-patong na kasong murder isasampa ng DOJ vs. Marvin Miranda na isa umano sa mga utak sa Degamo killing
Kakasuhan na sa korte ng patung-patong na reklamo ng murder si Marvin Miranda, ang sinasabing isa sa mga mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo pang iba.
Sa rekomendasyon ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ), sinabi na napatunayan na nakipag-sabwatan si Miranda para sa pagsasakatuparan ng krimen.
Batay anila sa extra-judicial confessions ng iba pang mga akusado, mahalaga ang papel na ginampanan ni Miranda sa pag-plano ng asasinasyon sa gobernador.
Siyam na counts ng murder ang isasampa laban kay Miranda, bukod pa sa 13 counts ng frustrated murder at apat na counts ng attempted murder.
Kapwa akusado ni Miranda sa mga nasabing asunto ang anim na iba pa na una nang kinasuhan sa korte ng DOJ.
Kaugnay nito, aamyendahan ng DOJ prosecutors ang naunang kaso sa korte laban sa anim para isama sa mga akusado si Miranda.
Si Miranda ang sinasabi ring “bagman” ni Congressman Arnolfo Teves Jr., na inilarawan ni Justice Secretary Crispin Remulla na pangunahing utak sa Degamo killing.
Moira Encina