PBBM aprubado ang sugar importation sa pamamagitan ng selected importers
Itinuro ni Senior Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na nag-apruba umano sa pag-aangkat ng asukal sa pamamagitan ng selected importers.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng kinukwestyong iregularidad sa importasyon ng 260 20-foot containers ng asukal, sinabi ni Panganiban na ini-utos ng Pangulo ang importasyon ng asukal dahil sa tumatataas na inflation rate.
“He said let’s import through selected importers of sugar,” testimonya ni Panganiban sa pagdinig ng Senado.
Ang utos aniya ng Pangulo ay nangyari matapos ang pakikipagpulong ng Chief Executive sa binuong Inter-Agency Group na nagbabantay sa galaw ng suplay at presyo ng pagkain at mga sugar importers.
Sinabi ni Panganiban na aminado ang Pangulo na hindi sasapat ang produksyon ng asukal sa pangangailangan ng buong bansa.
Batay kasi aniya sa report ng National Economic and Development Authority (NEDA) naka-apekto na noon ang presyo ng asukal sa presyo ng mga bilihin na pumalo na sa mahigit 38% sa inflation rate.
“Ang sabi ng Presidente masyadong mataas ang presyo ng asukal 8.7% according to Sec. Balisacan, so I recommend the importation immediately because of the high cost of the sugar,”dagdag pa ni Panganiban.
Nang klaruhin ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel kung sinabi nga ba ito ng pangulo, sagot ni Panganiban.
“He did not say let’s do it ourselves, I was the one who said let’s do it ourselves. What the President said was let’s import,” paglinaw pa ng DA official.
Hindi masagot ng opisyal paano ang ginawang pagpili sa mga sugar traders dahil nasa kamay daw ito ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Gayunman, ang mga pinayagan daw ay mga kumpanyang handang pasanin ang gastusin sa warehousing, transportation at iba pang gastusin sa pag-a-angkat pero ibebenta sa resonableng presyo.
“At least wala pong sugar importers na marami ang pinatawag ni Presidente, apat o lima ang nakita ko don, si Mr. Escaler Alvarado and 2 others,” dagdag pa ni Panganiban.
Nauna nang kinuwestyon ng oposisyon bakit tatlong kumpanya lang umano ang pinaboran ni Panganiban at pinayagang mag-import para sa buong bansa na tila raw government sponsored smuggling.
Iginiit naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin walang nangyaring iregularidad sa pag-aangkat ng asukal.
Ginawa aniya ito ng gobyerno para balansehin ang tumataas na presyo ng pagkain sa merkado
Inamin nya na may guidance ang Pangulo sa importasyon ng asukal pero sya ang nagbigay ng go signal kay Domingo para ituloy ang pagpo-proseso ng Sugar Order.
“The admin thereby make sure to establish buffer stock of sugar as a measure to regulate price increase in a large way objective was realized,” pahayag ni Secretary Bersamin sa binasang statement sa Senado.
Hindi na rin aniya kailangan ang sugar order para mag angkat ng asukal at pinapayagan ang importasyon basta may clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Paglilinaw ni Bersamin, may kapangyarihan ang Pangulo na ipag-utos ang importasyon depende sa pangangailangan ng bansa.
“When the President exercises his power as the Chief Executive when there is an urgent need for such exercises,” dagdag pa ni Bersamin.
Wala pang rekomendasyon ang komite sa isyu
Hinihintay pa rin na humarap at magpaliwanag sa pagdinig ang nagbitiw na si dating SRA Administrator David John Alba.
Meanne Corvera