PBBM aprubado na imbestigahan ng Senado ang NGCP
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahi ni Senador Raffy Tulfo na imbestigahan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa statement na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Malacañang na pinayagan ni Pangulong Marcos na magsagawa ng comprehensive study o magsagawa ng pagdinig ang Senado para tukuyin ang aktwual na sitwasyon.
“The President agreed with the Senator’s proposal to conduct a comprehensive study or hold hearings to determine the actual situation,” nakasaad sa statement ng PCO.
Sa kaniyang pakikipagpulong kay Pangulong Marcos sa Malacañang, sinabi ni Senador Tulfo na inilatag niya sa Punong Ehekutibo ang intensyon na siyasatin ang sitwasyon sa NGCP.
Una sa inilatag ni Tulfo ang paghahangad ng mga senador na i-assess ang performance ng NGCP.
Isa rin sa inilatag ni Tulfo sa Pangulo ang pagkabahala na 40% ng ownership ng NGCP ay pag-a-ari ng State Grid of China, na isa aniyang malaking banta sa national security.
Iminungkahi din ng mambabatas sa Pangulo na ibalik sa National Transmission Corporation ang operasyon ng transmission grid at ang maiwan lang ay ang maintenance sa NGCP.
Sa statement na inilabas ng Malacañang, inihayag din nito na bukas ang gobyerno na muling bawiin ang control sa ahensya.
“If necessary, the government will take back control of the entity,” ayon pa sa statement na inilabas ng PCO.
Ibinahagi ni Tulfo sa Pangulo ang sinasabing paglabag ng NGCP sa kanilang prangkisa kabilang na ang hindi pagsunod sa timely development at connectivity sa main grid ng mga energy power sa mga lalawigan.
Bukod pa rito ang malaking kinikita ng NGCP na napupunta sa mga shareholders at hindi nagagamit sa system development.
Weng dela Fuente