PBBM at US Pres. Biden, magpupulong sa White House sa May 1
Nakatakdang magpulong sa May 1 sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Joe Biden.
Ito ang kinumpirma sa isang statement na inilabas ni White House Press Secretary Karine Jean-Pierre.
Sa nasabing bilateral meeting, muling pagtitibayin ni President Biden ang ironclad commitment ng America para sa depensa ng Pilipinas.
Tatalakayin din ng dalawang lider ang mga pagsisikap para pagtibayin ang matagal nang alyansa ng US at Pilipinas.
Pag-uusapan din nina Marcos at Biden ang pagsusulong sa ekonomiya at mahahalagang usapin para sa interes ng dalawang bansa.
“The two leaders will review opportunities to deepen economic cooperation and promote inclusive prosperity, expand our nations’ special people-to-people ties, invest in the clean energy transition and the fight against climate change, and ensure respect for human rights,” pahayag pa ng White House official.
Sa harap naman ng pagkontra ng China sa pagtatalaga ng ilang mga base sa Northern Luzon bilang karagdagang lugar sa implementasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sinabi ng White House na masusi ring tatalakayin nina Marcos at Biden ang usapin sa rehiyon.
Paiigtingin din ng dalawang bansa ang ugnayan sa pagsisikap na itaguyod ang international law at promosyon ng open at Indo-Pacific.
Weng dela Fuente