PBBM hiniling kay Widodo na repasuhin ang kaso ni Mary Jane Veloso
Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Indonesian President Joko Widodo na muling repasuhin ang kaso ng Pinay convicted drug mule na si Mary Jane Veloso.
Ginawa ng Pangulo ang apela sa sidelines ng 42nd ASEAN Summit and Related Summits sa Labuan Bajo, Indonesia.
Tinanong ng mga mamamahayag si Pangulong Marcos kung nagkaroon siya ng pagkakataong talakayin kay Pres. Widodo ang kaso ni Veloso.
“Sabi ko, the best that we can do, I suppose is for the Indonesian authorities to re-examine the case para naman as a favor to the Philippines. ‘Yun lang ang napag-usapan namin. Not much more than that,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
Nabanggit ng Pangulo ang isyu habang naglalakad kasabay ni Widodo sa isa sa events sa katatapos na ASEAN Summit kung saan Indonesia ang host ngayong taon.
Sinabi ng Pangulo na nabanggit din niya kay Widodo ang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa kaso ni Veloso kasabay ng pagdidiin na inire-respeto ng bansa ang batas na umiiral sa Indonesia sa usapin ng illegal drug cases.
Unang tiniyak ni Pangulong Marcos na hindi sumusuko ang gobyerno sa kaso ni Veloso at ginagawa ang lahat ng legal remedies kabilang ang pardon, commutation of sentence at maging extradition para dito na lamang sa Pilipinas tanggapin ang parusa sa kaniya.
“But the Indonesian answered us that this is the law. Ito ‘yung batas dito sa Indonesia kaya’t kailangan natin ipagpatupad ‘yan. And they have already given us postponement … but that doesn’t mean it’s done,” paglilinaw ng Pangulo sa unang interview sa kaniya pagdating sa Indonesia.
Noong nakaraang Setyembre, hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Indonesia na i-pardon si Veloso na inaresto sa Yogyakarta noong 2010 matapos mahulihan ng nasa 2.6 kg ng heroin na nagresulta para sentensiyahan siya ng parusang bitay.
Weng dela Fuente