PBBM ipinagmalaki ang matagumpay na misyon sa ASEAN Summit
Nakabalik na sa bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa 3-araw na paglahok sa 42nd ASEAN Summit and Related Summits na isinagawa sa Labuan Bajo, Indonesia.
Sa kaniyang pagbabalik, iniulat ni Pangulong Marcos ang matagumpay na misyon na maisulong ang interes ng bansa sa taunang pagtitipon ng mga ASEAN leaders.
Sa kaniyang pakikipagpulong sa ASEAN leaders, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang halaga na itaguyod ang international rules-based system, kasabay ng commitment sa prinsipyo ng free trade at multilateral trading system.
Nanawagan din ang Punong Ehekutibo sa suporta sa “nano businesses”, gayundin sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), gayundin ang pagsusulong para tugunan ang impact ng climate change.
“The Philippines expressed support for the community-building efforts of ASEAN, including the strengthening of ASEAN’s institutions, The (ASEAN) leaders also discussed regional and international developments,” sinabi ng Pangulo sa kaniyang arrival speech sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Sa isyu naman ng South China Sea, sinabi ng Pangulo na pinagtibay ng Pilipinas ang commitment nito sa mapayapang resolusyon ng usapin.
“On the South China Sea, I reaffirmed the Philippines’ commitment to the peaceful resolution of disputes and advocated for a rules-based maritime order anchored on the 1982 UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea),”
Dagdag pa ng Pangulo, tinalakay din niya ang ukol sa security situation sa Myanmar.
“I called on Myanmar to adhere to the Five-Point Consensus and expressed support for Indonesia’s enhanced initiatives in the implementation of the Five-Point Consensus,” paliwanag pa ng Pangulo.
Kabilang sa five-point consensus na napagkasunduan ng ASEAN leaders ang probisyon para sa madaliang pagwawakas sa karahasan, dayalogo sa pagitan ng lahat ng partido, pagtatalaga ng special envoy, humanitarian assistance ng ASEAN at pagbisita sa Myanmar ng itatalagang special envoy para makaharap ang lahat ng partido.
Sa usapin naman ng gusot sa Europa, ipinarating ng Pangulo ang pagkabahala sa nangyayaring humanitarian crisis at patuloy na epekto sa ekonomiya ng digmaan na nagreresulta sa global food at energy insecurity.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay Indonesian President Joko Widodo sa mainit na pagtanggap sa delegasyon ng bansa .
Weng dela Fuente