PBBM magtatalaga ng mga bagong miyembro ng Gabinete
Plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng mga karagdagang miyembro sa Gabinete.
Ilan sa ikinukonsidera ng Pangulo na italaga sa sandaling matapos ang Constitutional ban ngayong buwan ay ang ilang competent personalities na natalo sa nakaraang 2022 Elections.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa media interview sakay ng PR 001 flight patungong Washington D.C. para sa kaniyang 5-day official trip sa Estados Unidos.
“Marami namang magaling na hindi nanalo sa eleksyon na gustong tumulong. So we will certainly look into that in different positions,” paliwanag ng Pangulo.
“More or less, for the beginning of… the second year of my term, palagay ko mayroong mga ano. Not a shuffle but we will add people to Cabinet, to strengthen the Cabinet,” dagdag na pahayag ni Marcos.
Gayunman, hindi pa rin tinukoy ng Pangulo ang mga pangalan ng mga itatalagang bagong appointees dahil nais umano muna niyang maka-usap ang mga itoj.
“They should not hear it naman from the press. They should hear it from me. Kami muna mag-usap,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa ilalim ng Article IX-B, Section 6 ng 1987 Constitution, isinaad na walang kandidato na natalo sa anumang eleksyon ang maaari, sa loob ng isang taon pagkatapos ng eleksyon, “ang maitatalaga sa anumang tanggapan ng gobyerno o anumang government-owned or controlled corporations, o sa anumang subsidiaries nito.”
Ngayong buwan nakatakdang matapos ang one-year ban matapos ang isang taon mula noong May 9 presidential polls.
Una rito, may mga lumabas nang pangalan na naka-linya para sumama sa Gabinete ni Pangulong Marcos, na kinabibilangan nina dating Manila Mayor Isko Moreno, dating Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, dating Senador Mar Roxas at iba pa.
Weng dela Fuente