PBBM palalawakin ang Food Stamp Program sa 2024 ayon sa DSWD
Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas pinalakas at malawak na implementasyon ng Walang Gutom 2027 Food Stamp Program sa susunod na taon.
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang 6 bilyong pisong pondo para sa 300,000 benepisyaryo ng programa sa buong bansa, na mas mataas mula sa inisyal na tatlong libong benepisyaryo sa limang pilot site.
Ayon kay Social Welfare Undersecretary Edu Punay, bandang Mayo at Hunyo mangyayari ang review ng mas malawak na implementasyon.
Sa Hulyo naman magaganap ang aktwal na programa para sa 300,000 benepisyaryo ang tututukan ng Food Stamp Program sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Paliwanag ni Punay, tiniyak na ng DBM sa kanilang pagpupulong na magkakaroon ng “working budget” ang DSWD para sa scaled-up na implementasyon ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Executive Order No. 44 o ang Food Stamp Program.
Sa ngayon, pilot implementation phase pa lang ang ipinatutupad ng DSWD na aabot hanggang Mayo 2024, ilang buwan bago ang mas malawak na pagpapatupad ng Food Stamp Program.
Matatagpuan ang inisyal na tatlong libong benepisyaryo sa limang pilot site:
-Tondo, Manila
-Dapa, Siargao
-San Mariano, Isabela
-Garchitorena, Camarines Sur
-Parang, Maguindanao
Natukoy ito ng DSWD sa pakikipagtulungan ng ahensiya sa United Nations World Food Program.
Naglaan ng $3 milyong grant ang Asian Development Bank para sa inisyal na pagpapatupad nito.
Target ng DSWD na magkaroon ng isang milyong “food-poor” households sa buong bansa kapag buong pwersa na ang pag-arangkada ng programa.
Matatandaan na ibinaba ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 44 o Food Stamp Program para sa “whole-of-government-approach” para tutukan ang kagutuman sa bansa.
Vic Somintac