PBBM: Panibagong kampanya para bakunahan ang kabataan, posibleng ikunsidera ng gobyerno

Posibleng maglunsad ng panibagong kampanya ang pamahalaan para mabakunahan ang kabataang laban sa COVID-19.

Ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag kasunod ng pagtaas na muli sa kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa media interview habang sakay ng PR 001 flight patungong Estados Unidos, sinabi ng Pangulo na ikukunsidera ang hakbang sa harap na rin ng hirap na dinaranas lalo na ng mga kabataan dahil sa matinding init.

It looks like we will have to conduct again, especially for young people. We’ll have to conduct again a vaccination push para mabawasan yan, especially with the people being a little bit, shall we say, nahihirapan na nga eh, dahil sa init… humihina ang katawan, that will make them vulnerable to COVID again,” paliwanag ng Pangulo.

Sa data ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 14.3% ang positivity rate ng bansa hanggang noong April 29.

Bagama’t may naitatalang bagong kaso ng impeksyon, wala nang report ng namamatay o “zero deaths” at ang hospital utilization ay nananatiling mababa sa 22%.

Samantala, sinabi din ni Pangulong Marcos na rerepasuhin ang posibleng pagpapatupad muli ng  mandatory facemask rule sa mga pampublikong lugar, bagama’t maliit pa ang bilang ng iniuulat na impeksyon.

“We might have to think about it. Ako, ang tinitingnan ko, is because, although the rate of increase lumalaki, ang baseline natin na sinimulan ay maliit lang. So hopefully, we are still able to do it,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Ang pagtaas ng COVID cases ay sa harap ng posibleng pagkalat ng Omicron subvariant na XBB.1.16 na kilala rin sa bansa sa tawag na “Arcturus.”

Ang XBB.1.16 ay descendent lineage ng XBB, isang recombinant ng dalawang BA.2 descendent lineages.

Kinlasipika ng World Health Organization (WHO) ang XBB.1.16 bilang variant of interest  (VOI) noong nakaraang linggo matapos maobsebahan ang patuloy na pagtaas ng kaso nito.

Sa ngayon, kalat na ang XBB.1.16 sa 33 bansa, kabilang ang Pilipinas.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *