PBBM tiniyak ang kahandaan ng gobyerno sa pag-a-alburuto ng Mayon, Taal
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahandaan ng gobyerno sa harap ng pag-a-alburuto ng Bulkang Mayon at Bulkang Taal.
Sa isang chance interview matapos ang selebrasyon ng 48th Philippine-China diplomatic relations, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon sa Albay at Batangas.
“We watch it very closely, we make sure that any of the communities that will be affected were evacuated and they are given assistance while they are evacuated until the time that they can return to their home,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ngayon pa lang ay nagsisimula na aniya ang gobyerno na ilikas ang mga residente sa mga maaapektuhang lugar.
“We have been watching both Mayon and Taal. Taal, it seems, is not in such a precarious, dangerous situation. Mayon is a little bit more advanced, if the lava flow starts, that’s when we really have a disaster,” paliwanag pa ng Punong Ehekutibo.
Kahapon ng tanghali, June 8, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa alert level 3 mula sa alert level 2 ang Bulkang Mayon.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, nakapagtala ng 199 rockfall events at 9 na pyroclastic density currents (PDC) ang Mayon.
Nagbuga rin ito ng nasa 800 metrong taas ng abo at katamtamang pagsingaw, gayundin naobserbahan ang pamamaga ng bulkan.
Patuloy na ipinaiiral ang pagbabawal sa pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone, gayundin ang paglipad ng mga eroplano malapit at sa paligid ng Mayon.
Samantala, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal.
Sa babala ng PHIVOLCS, posible ang steam-driven o phreatic or gas-driven explosions, gayundin ang volcanic earthquakes, minor ashfall at lethal accumulations o expulsions ng volcanig gas sa Taal.
Sinabi ni Pangulong Marcos na binabantayan ng Department of Health ang kalusugan ng mga residente na naapektuhan ng pagbuga ng toxic gas mula sa Taal Volcano.
“The DOH are looking after those people. We know where the wind is blowing kaya alam na natin kung saan dadaan yung mga toxic na gasses kaya paiiwasin na natin yung mga tao na nakatira doon sa area na yun,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Weng dela Fuente