PBBM tiniyak ang suporta sa mga atletang Pinoy na lalahok sa SEA Games sa Cambodia
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang send-off ceremony sa may 840 Pilipinong atleta na makikilahok sa isasagawang 32nd Southeast Asian Games (SEAG) sa Cambodia sa susunod na buwan.
Sa send-off rites na isinagawa kagabi, April 24, sa Philippine International Convention Center (PICC) tiniyak ni Pangulong Marcos ang buong suporta sa kanila ng bansa.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na nakasalalay sa mga atletang Pinoy ang pag-asa, pangarap at maging ang hangarin ng mga Pilipino.
“You have 107 million na kakampi na walang ginawa kundi manalangin na maging successful sa inyo, walang ginawa kundi isipin kung papaano kayo panalunin, kung papaano kayo tulungan, kung papaano kayo palakasin,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.
Sinabi pa ng Chief Executive “kahit nandoon kayo sa Phnom Penh, kahit nasa Cambodia kami ay maririnig niyo. Basta making kayo nang mabuti, maririnig nyo ‘yung sigaw namin to encourage you.”
Tiniyak din ng Pangulo sa mga “sports ambassadors” ng bansa ang commitment ng kaniyang administrasyon, katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC), para ipagkaloob ang lahat ng posibleng tulong para sa pagtatagumpay nila sa kumpetisyon.
“If there’s anything more that this government can do, that this administration can do, that I personally can do, you please make sure you will tell me because we are all rooting for you and we all want to do everything that we can do to make you as successful as you possibly can in you chosen events,” pagdidiin pa ni Pangulong Marcos.
Ipinarating din ng Pangulo ang pasasalamat sa mga atletang Pinoy sa pagbibigay-karangalan sa bansa at paglalagay sa Pilipinas sa athletic map.
Bitbit ang bandila ng bansa, lalahok ang mga atletang Pinoy sa 38 disciplines sa pinakamalaking biennial multisport event sa rehiyon mula May 5 hanggang 17, 2023.
Tiniyak naman ng PSC ang buong suporta sa lahat ng miyembro ng Team Philippines kabilang sa pagpopondo ng kanilang paghahanda, supplies, manpower at logistics.
Weng dela Fuente