PBBM umaasang tatalakayin ang ‘economic revitalization’ sa ASEAN Summit
Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agresibong isusulong ng mga lider sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) ang pagbuhay sa ekonomiya ng rehiyon matapos bakahin ang maraming pagsubok sa mga nakalipas na taon.
Sa media interview sa kaniyang pagdating sa Meruorah Convention Center sa kaniyang pagdating sa Indonesia, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ang agenda sa regional meet para gawin ang ASEAN bilang “locomotive of the global economy” at muling pasiglahin ang ekonomiya.
Nasa Indonesia si Pangulong Marcos para lahukan ang 42nd ASEAN Summit and Related Summit.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na halos lahat ng bansa at ekonomiya sa buong mundo ay nakatingin sa Asya dahil sa paglago ng rehiyon.
“We’ve seen sa EU, we’ve seen sa ibang lugar that the global economy is turning towards Asia and the reason is that perhaps we are adjusting better than the Western countries, African and Middle Eastern countries also are doing well,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
“But tinitingnan din and Southeast Asia and ASEAN, and that’s what our subject matter will be is that how do we play the part that we want to play which is going to be global – locomotive of the global economy,” paliwanag pa ng Pangulo.
Sa sidelines ng ASEAN Summit, magkakaroon ng bilateral meetings si Pangulong Marcos sa mga lider ng Vietnam, Laos at Timor Leste.
Sinabi ni Pangulong Marcos na unang pagkakataon na dadalo sa Summit ang Timor Leste bilang observer, isang hakbang para maging miyembro ng regional organization.
Makakaharap naman ng mga Pangulo ang mga lider ng Vietnam at Lao na bago pa lamang na kauupo sa pwesto.
Sa kaniyang departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na isusulong niya ang proteksyon at interes ng Pilipinas sa Summit.
Weng dela Fuente