PCG at PPA kasado na sa bagyong Mawar
Nakahanda na ang deployable response groups at quick response teams ng Philippine Coast Guard (PCG) lalo na sa hilagang Luzon sakaling makapasok na sa bansa ang super typhoon Mawar.
Mahigpit na bilin naman ni PCG officer-in-charge Vice Admiral Rolando Punzalan Jr., sa kanilang mga tauhan na bago payagan makapaglayag ay tiyaking na-inspeksyong mabuti ang mga barko, bangka, at iba pang sasakyang pandagat para iwas aberya.
Ang mga tripulante at mangingisda pina-alalahanan namang tumutok sa pinakahuling lagay ng panahon para maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan.
Sa mga pantalan naman, maaga ring pinaghanda ng Philippine Ports Authority (PPA) sa posibleng maging epekto ng paparating na super typhoon.
Sa Zamboanga sinimulan na ang pag-aayos at pagpapatibay ng kanilang mga gusali kasabay ng pagtatanggal ng mga magaan na bagay gaya ng mga tarpaulin stand at alocohol stand habang sa Palawan naman ay nagsisimula nang ilipat sa ligtas na lugar ang mga ilang kargamento na maaaring maapektuhan ng malalakas na hangin at ulan.
Bilin naman ni PPA General Manager Jay Santiago sa bawat port management office (PMO) na maging mabilis sa pagtulong sa mga mai-istranded na pasahero gaya ng pagbibigay ng hot meals.
“My directive since this morning is to ensure that standard operating procedures are in place to protect life and properties at the terminals. I have reminded PPA staff and employees as well to make sure stranded passengers are taken cared of with hot meals, meron po tayong lugaw para sa kanila na nakahanda sakali mang lumakas po itong bagyo at may mastranded sa pantalan, maliit na tulong po sa mga pasahero pero malaking ginhawa po ito para sa kanila,” pahayag sa statement na inilabas ni PPA GM Santiago.
Samantala, nag-abiso naman ang PPA na pansamantalang suspendido ang mga biyahe ng lite ferry 11 vessel mula Larena patungong Plaridel, Cebu at Tagbilaran ngayong araw pero hindi dahil sa paparating na bagyo kundi dahil sa technical problems.
Inaabisuhan ng PPA ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa concerned shipping lines para sa karagdagang detalye.