PCG : ‘Di lahat ng sasakyan ng Coast Guard ay gumagana
Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG ) na hindi lahat ng 459 sasakyan na nasa ilalim nila ay gumagana pa at nagagamit.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, 150 rito ay hindi na pwedeng gamitin dahil bukod sa sira ay lumang-luma na.
Una rito, pinuna ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng PCG ng 31 SUV kahit marami ng sasakyan ang nasa fleet nito.
Paliwanag ni Balilo, ang nasabing mga sasakyan ay hindi personal na binili ng PCG kundi mula sa kanilang rebate mula sa mga hindi nagamit na gasolina.
Ang pagpili sa mga nasabing SUV ay dumaan sa pag-aaral ng kanilang logistics, kabilang aniya sa ikinunsidera ay ang performance nito sa mas mahabang panahon.
Patungkol naman sa isyu ng pagbili ng P7.8-Million bulletproof na SUV para sa kanilang Commandant, ito ay dumaan aniya sa pag aaral ng kanilang security department at hindi naman pang araw-araw na gagamitin kundi depende sa situwasyon.
Madz Villar Moratillo