PCG inireklamo ang bogus Auxiliary group na ginagamit ang ahensya
Dumulog na sa Securities and Exchange Commission ang Philippine Coast Guard para ireklamo at hilinging mabawi ang registration ng PCG Auxiliary balangay o 101st Balangay PCGA Inc. at incorporators nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na bogus ang nasabing grupo at walang authority mula sa kanila.
Nabatid na nakarehistro sa SEC ang nasabing grupo at kabilang sa incorporators nito sina dating DILG Usec. Martin Diño at 6 na iba pa.
Ayon kay Commodore Armando Balilo, tagapagsalita ng PCG, nakatanggap sila ng intel report na may isang grupo sa Bataan na nagpakilalang 101st Balangay PCGA ang nagrerecruit at naniningil sa mga gustong sumali sa kanila.
Nakasuot pa umano ang mga ito ng uniporme at ranks na nagpapakitang bahagi sila ng PCGA maging pangalan ng mga opisyal at ni PCG Commandant Artemio Abu ay ginagamit rin umano ng mga ito.
Giit ni Balilo, nakipag ugnayan sila sa grupo sa pamamagitan ni Diño hinggil rito at nagbabala na kung hindi sila titigil ay makikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
Babala ng PCG ang hindi awtorisadong paggamit ng pangalan, uniporme at logo ng PCG o PCGA ay may katumbas na parusa sa ilalim ng Revised Penal Code habang ang pangongolekta ng membership fee ay pwedeng pumasok sa ESTAFA.
Katunayan, nagsampa na rin ang PCG Station Bataan ng reklamong estafa, usurpation of authority, at unlawful use of logo laban sa 101st Balangay PCGA, inc. sa Bataan Prosecutor’s Office.
Sakaling mapatunayang guilty, nagbabala rin ang PCG na bawiin ang appointment kay Diño bilang Auxiliary Commodore.
Madelyn Villar -Moratillo