PCG nakipagsabayan ng radio challenge sa Chinese Navy vessel sa bahagi ng Pag-asa Island
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na binuntutan ng barko ng China ang BRP Francisco Dagohoy, matapos ang matagumpay na misyon nito sa Pag-asa Island nitong nakaraang linggo.
Ang BRP Francisco Dagohoy ay barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) pero ang PCG ang nag-operate nang umalis sa Puerto Princesa, Palawan papuntang Pag-asa Island noong June 12.
Dala nila ang fishing gear at post-harvest equipment para sa mga taga-isla.
Pero nang pabalik na sa Puerto Princesa noong June 15, ay nakatanggap sila ng radio challenge mula sa People’s Liberation Army Navy Type 054A frigate.
Sumagot umano ang PCG na nasa loob sila ng teritoryo ng Pag-asa Island at bumuwelta rin ng radio challenge sa Chinese vessel.
Binilisan naman umano ng China Navy vessel ang paglalayag at binuntutan ang BRP Francisco Dagohoy sa distansyang 1 nautical mile.
Tumigil lang umano ang Chinese navy, noong nasa 10 nautical miles away na lamang ang kanilang layo sa Pag-asa Island.
Ayon sa PCG, noong June 16, ay ligtas na nakarating sa Ulugan Bay sa Palawan ang BRP Dagohoy.
Naganap ang insidente sa panahong nakadaong ang Chinese People’s Liberation Army Navy Training Ship na Qi Jiguang sa Pier 15 noong nakaraang linggo, para sa kanilang goodwill visit.
Nagwakas ang goodwill visit ng Qi Jiguang noong Sabado, June 17.
Madelyn Moratillo