PCG, tiniyak ang patuloy na pagtulong na maging matagumpay ang mga susunod pang resupply mission
May 38 barko ng China ang namataan sa bisinidad ng Ayungin Shoal sa buong panahon ng resupply mission sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre.
Pero ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea, 11 lang sa mga barko na ito ang naging aktibo sa pagharang sa mga barko ng PCG at supply boats na Unaiza May 1 at ML Kalayaan noong November 10.
Sa ginawang re supply mission na ito, gumamit din ng ibang istratehiya ang China.
Kumpara sa mga nakaraan na malalaking barko ang kanilang ginagamit, sa Pagkakataong ito ay mas maliliit na barko na ang gamit nila.
Pero gumamit man ng bagong taktika ang China, hindi naman nagpatalo ang Philippine Coast Guard dahil kung may aluminum boats silang ginagamit.
Sa unang pagkakataon, gumamit din ang PCG ng rigid hull inflatable boats.
Dahil diyan, walang nagawa ang mga pagtatangka ng maliliit na bangka ng China para maharang ang RHIB ng PCG at na-escortan ang supply boats palapit sa BRP Sierra Madre.
Sa nasabing resupply mission bukod sa BRP Sindangan at Cabra, kasama rin nila ang isa sa pinakamalaking barko ng Pilipinas na Melchora Aquino.
Tiniyak ng PCG ang patuloy na pagtulong na maging matagumpay ang mga susunod pang resupply mission.
Ito ay sa kabila ng dangerous maneuvering na ginagawa ng mga barko ng China kung saan nitong Biyernes ay muli na namang ginamitan ng water canon ang isa sa supply boat.
Madelyn Villar – Moratillo