PCGG, ipinabubuwag ng Kamara
Nais ni Manila Congressman Bienvenido Abante na buwagin na ng Kongreso ang Presidential Commission on Good Government o PCGG.
Ito ang laman ng House Bill 4331 na inihain mismo ni Congressman Abante.
Ayon kay Abante ang PCGG ay itinatag ni dating Pangulong Corazon Aquino sa pamamagitan ng Executive Order no. 1 noong 1986 para marekober ang mga umanoy nakaw na yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ng kanyang pamilya kasama ang cronies sa loob at labas ng bansa.
Sinabi ni Abante na makalipas ang mahigit 36 taon mula nang mabuo ang komisyon ay walang maituturing na significant accomplishment at sayang lamang ang taunang pondo na inilalaan ng pamahalaan.
Niliwanag ni Abante isang malaking kahihiyan sa pamahalaan ang PCGG dahil matapos ang ilang dekada ay bigo parin ito na mahabol ang mga sinasabing ill-gotten wealth ng mga Marcos at cronies.
Kapag naging ganap na batas ang mga kapangyarihan at iba pang trabaho para sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga kasong kriminal na hinahawakan ng PCGG ay ililipat sa Department of Justice o DOJ habang ang mga civil case na may kinalaman sa management, administration at disposition ng assets at mga nasamsam na ill-gotten wealth ay ililipat sa Office of the Government Corporate Counsel.
Vic Somintac