PDEA handang ibigay kay VP Leni Robredo ang full support sa pagiging co-chair ng ICAD
Naghahanda na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kanilang briefing presentation para kay Vice-President Leni Robredo matapos nitong tanggapin ang pagiging co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, inaasahan na niya na sa mga susunod na araw ay tatawagan siya ni Robredo upang pag-usapan kung ano ang magiging trabaho nito at ano ang mga responsibilidad ng ICAD sa War on drugs ng pamahalaan.
Kasama aniya sa ipaliliwanag niya sa Bise-Presidente ang drug situation sa Pilipinas at ang mga naging accomplishments na ng ICAD sa mga nakalipas na taon ganundin ang mga plano ng ahensya sa pagpapaigting ng Giyera kontra Droga.
Bibigyang-linaw rin aniya niya kay VP Robredo na hindi failure o isang kabiguan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga na sinasabi ng mga kritiko ng administrasyon.
Nauna nang ipinahayag ng PDEA na handa nilang ipagkaloob ang full support para sa Pangalawang Pangulo bilang bagong katuwang nila sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot kagaya rin ng suportang ipinagkaloob nila kay Pangulong Duterte nang pamunuan nito ang war on drugs.
Pero nilinaw ni Aquino na hindi maaaring lumikha o pumili si Robredo ng sarili nitong task force para katulungin dahil ang paglikha ng ICAD ay nakabase sa Executive Order.
Hindi rin aniya pwedeng magpasya ang Pangalawang Pangulo na hindi nakalinya sa kanilang mga programa dahil magdudulot lamang ito ng conflict sa kanilang kampanya.
“Hindi niya pwedeng baguhin at gumawa ng sarili niyang Task Force kasi mababago ang set-up ng ICAD. Siguro pwede siyang mag-sit down sa mga cluster meetings, pwede siyang magmungkahi ng ilang mga suhestyon o rekomendasyon o may gusto siyang programang ipatupad sa PNP at sa PDEA. Handa kaming makinig sa kaniya pero kung ito ay hindi naka-align o labag sa Executive Order na ginawa ng Pangulo para malikha ang ICAD ay hindi pwedeng gawin ang ganun”.