PDEG Chief nagsumite ng leave dahil sa P6.7B shabu case
May reserbasyon man, nagsumite pa rin ng kaniyang official leave of absence si Brigadier General Narciso Domingo bilang hepe ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG).
Si General Domingo ay isa sa sampung opisyal na inatasang mag-leave ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa isyu ng ini-imbestigahang 990 kilo ng shabu sa Tondo, Maynila noong Oktubre 8, 2022 na nagkakahalaga ng P6.7 billion.
Sa nasabing drug operation naaresto si Police MSgt. Rodolfo Mayo.
Aminado si Domingo na masama ang kaniyang loob dahil ang PDEG ang nadidiin sa isyu.
Sinabi ni Abalos na may tangkang i-cover up ang imbestigasyon ng kaso.
Paliwanag ni Domingo na hindi natapos ng PDEG ang isinagawang internal investigation dahil mismong si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ang nagpatigil sa kanila at ipinasa ang pagsisiyasat sa binuong Special Investigation Task Force (SITG) na pinamumunuan ni Commissioner Alberto Bernardo, vice chairman ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Itinanggi ni Domingo na pinagtakpan nila si MSgt. Mayo bagama’t plano nilang gamitin ito para matuklasan ang mas malaking bodega ng shabu sa Pasig.
Ngunit hindi na aniya ito natuloy dahil mismong matataas na opisyal ng PNP sa Camp Crame ang pumigil sa isasagawa sanang follow-up operations.
Aminado rin ang PDEG Chief na nagkaroon ng maraming operational lapses sa drug haul kung saan nakumpiska kay mayo ang 990 kilo ng shabu na nagbunsod para sa pagsasagawa ng internal investigation.
Ibinulgar pa ni Domingo na nagkaroon ng laglagan sa kaso ni Mayo at nadidiin ngayon ang PDEG dahil totoo na maraming tauhan nito ang umano’y kabilang sa Ninja Cops.
Nagsisisi si Domingo dahil nang maupo siya bilang hepe ng PDEG ay wala siyang binitbit ng tauhan at nagtiwala sa mga dinatnan niyang komposisyon ng grupo.
Si General Domingo ay kabilang sa sampung matataas na opisyal ng PDEG kasama si Lt. General Benjamin Santos dating PNP Deputy Chief for Operations na pinagsusumite ni Secretary Abalos ng leave of absence o sususpindihin dahil sa kaso ni Mayo.
Vic Somintac