PDLs maaari nang makaboto sa local elections
Makaboboto na ang mga kuwalipikadong person deprived of liberty (PDL) sa parehong pambansa at lokal na halalan sa bansa.
Sa siyam na pahinang resolusyon ng Supreme Court En Banc, ibinasura nito ang petisyon laban sa Comelec Resolution 9371 na naglalatag sa mga panuntunan sa pagpapatala at pagboto ng mga bilanggo para sa May 2013 local at national elections at sa mga susunod na halalan.
Noong 2016, nag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) pabor sa petisyon.
Pero pinayagan sa parehong ruling ng SC noong 2016 ang mga detainee na makaboto sa national elections.
Sa desisyon naman ng Korte Suprema nitong Marso ngayong taon ay tuluyan nang ibinasura ang petisyon at inalis ang TRO.
Ibig sabihin ay puwede nang ipatupad ng poll body ang kinuwestiyong resolusyon para sa registration at pagboto ng mga PDL sa mga darating na halalan sa parehong lokal at nasyonal.
Makikinabang dito ang mga bilanggo na naghihintay o sumasailalim sa paglilitis, nagsisilbi ng sentensiya nang walang isang taon, at ang parusa ay naka-apela.
Moira Encina