PDP-Laban walang kinalaman sa impeachment complaint vs. Robredo
Walang kinalaman ang partido ni Pangulong Duterte na PDP Laban sa impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang iginiit ni PDP-Laban President Senator Aquilino Pimentel sa harap ng pagpupursige ng ilang grupo na isulong ang reklamo laban kay Robredo kaugnay ng kaniyang video messages sa United Nations na kumukundena sa extra judicial killings.
Ayon kay Pimentel wala rin silang party stand at hindi nila dinidiktahan ang sinumang miyembro.
Pero wala siyang balak na kausapin si House Speaker Pantaleon Alvarez dahil may sarili naman itong pag iisip at desisyon.
Nauna nang sinabi ni Alvarez na itutuloy niya ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Robredo sa kabila ng pahayag ng Pangulo na hindi nya sinusuportahan ang anumang reklamo.
“Alam mo si judge hindi kinakausap si fiscal. Ganun din yung mga senador. Pagdating sa impeachment dahil we are potential judges, we follow the code of judicial conduct”. – Sen. Pimentel
Gaya ni Pangulong Duterte, naninindigan aniya ang PDP-Laban na hindi dapat isulong ang impeachment sa sinumang impeachable officialsdahil lilikha lamang ito ng pagkakawatak-watak ng bansa.
“That is our default attitude. Magtrabaho muna tayo. Marami tayong pinangako nung kampanya na kailangan nating ideliver but kung may ground, that is for the House of Representatives to determine. Basta reminder lang. Don’t treat impeachment lightly. It’s a very serious allegation. It has very serious effects. Matatanggal po sa office ang isang high ranking government official. Kung hindi kayo kumbinsido sa ground, don’t file it”. –Sen. Pimentel
Ulat ni : Mean Corvera