Pelikula ni Will Smith, ilalabas ng Apple ngayong taon sa kabila ng Oscars slapping incident
Wala pang isang taon matapos gulatin ni Will Smith ang buong mundo nang sampalin niya si Chris Rock sa Oscars, inihayag ng Apple na ipalalabas nila ang bago nitong pelikula na pinamagatang “Emancipation” sa Disyembre.
Ang slavery drama ay malawak na ipinalalagay na naantala dahil sa pag-atake ni Smith sa komedyante, na umani ng malawakang pagkondena at nagresulta upang pagbawalan si Smith na dumalo sa seremonya ng Academy Awards sa loob ng 10 taon.
Subalit gumawa ang Apple ng sorpresang anunsiyo na ang pinakahuling pelikula ng aktor ay ipalalabas sa mga sinehan sa Disyembre a-dos, at magsisimula naman ng streaming sa Apple TV+ makalipas ang isang linggo.
Ang timing ay nangangahulugan na magagawa pa ng Apple na isumite ang “Emancipation” para lumaban sa Oscars sa 2023, isang taon makaraang gumawa ng kasaysayan bilang unang streamer na nagwagi sa Oscar ng best picture para sa pelikulang “CODA.”
Namalaging low profile ang aktor simula nang mangyari ang insidente sa gabi ng Academy Awards, kung saan nagwagi siya bilang best actor para sa kaniyang pagganap sa “King Richard,” ilang minuto lamang matapos niyang sampalin sa stage si Rock na nagbiro tungkol sa kaniyang asawa.
Hindi naman binawi ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences ang best actor award ng 54-anyos na aktor, at ang ipinataw na 10-taong ban sa kaniyang pagdalo sa seremonya ay hindi hadlang para siya ay ma-nominate pa rin para sa Orcars.
Nitong nakalipas na weekend, si Smith ay dumalo sa advance screening ng “Emancipation” na hosted ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP) sa Washington.
Ang pelikula ay kinatatampukan ni Smith bilang isang takas mula sa pagka-alipin at ang kaniyang paglalakbay patungo sa norte mula Louisiana.
Ang kaniyang karakter na si Peter ay inspired ng “infamous photograph” ng isang alipin na ang likod ay tadtad ng sugat ng latigo at binansagang “Whipped Peter.”
Si Antoine Fuqua ang direktor ng pelikula, na ang 2001 police drama na “Training Day” ay nagbigay ng best actor Oscar para kay Denzel Washington.
Ang orihinal na shooting venue ng “Emancipation” ay sa Georgia dapat, ngunit ang produksyon ay inilipat noong nakaraang taon matapos aprubahan ng southern US state ang isang voting rights law na ayon sa mga kritiko ay naglalayong pigilan ang Black turnout at iba pang mga komunidad na kulang sa representasyon.
© Agence France-Presse