Pelikulang “Guerrero Dos: Tuloy ang Laban” ng EBC films, nag-qualify bilang entry ng Pilipinas sa Golden Globe Awards ngayong taon
Isa sa napili ang “Guerrero Dos: Tuloy ang Laban” ng EBC Films, sa dalawang pelikula mula sa Pilipinas na nakapasa sa requirements, para katawanin ang Pilipinas sa isang foreign language film entry sa 78th Golden Globe Awards ngayong taon.
Ang talaan ng foreign language films na nakapasok sa submission sa Golden Globe Awards ay nakapost sa kanilang official website. (https://www.goldenglobes.com/articles/foreign-language-film-submissions-78th-golden-globe-awards)
Para sa Pilipinas, ang “Guerrero Dos: Tuloy ang Laban” ni Carlo Cuevas, at ang “Writes About Love,” na isang romance film sa direksyon ni Crisanto Aquino, ay nakapasok sa listahan na kinapapalooban ng mga entry mula sa 77 mga bansa.
Ang “Guerrero Dos: Tuloy ang Laban” ay isang sequel sa multi-awarded movie ng EBC Films na “Guerrero.” Sinusundan nito ang inspiring story ng batang si Miguel Guerrero (na ginampanan ng newcomer child actor na si Julio Cesar Sabinario), nakababatang kapatid ng isang boksingero na si Ramon (ginampanan ni Genesis Gomez), na na-coma matapos ang huli niyang laban sa unang Guerrero film.
Ayon sa website ng Golden Globe, ngayong taon ay 139 na foreign language films ang napiling ikonsidera ng Golden Globe mula sa 77 mga bansa (kung saan ang 37 ay babae ang director o co-director).
Hindi nililimitahan ng Hollywood Foreign Press Assoiation sa isa ang pwedeng isumite ng bawat bansa, ito ang kaniyang kaibahan sa Academy Awards.
Pinapayagan nito ang multiple submissions mula sa kahit aling bansa, bastat ang pelikula ay nakasunod sa hinihinging kwalipikasyon.
Sinabi ni “Guerrero Dos: Tuloy ang Laban” director Carlo Cuevas, na ang pagkakapili pa lamang para katawanin ang Pilipinas sa taunang Golden Globe Awards ay isa nang napakalaking karangalan at pribilehiyo.
Purihin aniya ang Dios, at nagpasalamat din siya sa EBC Films at sa team Guerrero Dos. Tunay aniyang tuloy ang laban.
Si Cuevas ay dati nang nakatanggap ng international awards, kabilang na ang para sa pelikulang “Guerrero,” ang unang full-length movie ng EBC Films na nabigyan na rin ng ibat-ibang international awards.
Si Cuevas ay kinapanayam na ng Hollywood Foreign Press Association tungkol sa pelikulang “Guerrero Dos”na nasa talaan bilang entry ng Pilipinas, para sa posibleng nominasyon sa foreign language film category. Ang panayam ay naitampok din sa Golden Globe Awards official website. (https://www.goldenglobes.com/articles/fight-continues-philippines-interview-guerrero-dos-and-carlo-ortega-cuevas)
Ayon sa Golden Globe official site, ang announcement ng nominees ay sa February 3, 2021. Sa petsang ito ay malalaman kung ang entry ng Pilipinas ay makapapasok sa listahan ng posibleng maging nominees.
Ang awards show naman ay gaganapin sa February 28, 2021 sa Beverly Hilton, Beverly Hills, California at ipalalabas sa NBC.
Nakasaad pa sa Golden Globe Awards website, na bawat taon ang Hollywood Foreign Press Association ay nagkakaloob ng Golden Globe sa foreign language film category. Para mag-qualify, ang pelikula ay dapat na isang motion picture drama, musical o comedy at ang dayalogong ginamit dapat ay hindi bababa sa 51% na non-english language.
Karaniwan na rin na para mag-qualify, ang isang foreign language film ay dapat na ini-release sa country of origin bago ang 15-month period, mula October 1 hanggang December 31 bago ang awards.
Subalit ngayong taon, bunga na rin ng pandemya ay may ilang pagbabagong ginawa sa qualification rules.
Ang HFPA, ay isang organisasyon na binubuo ng 90 entertainment journalists na naninirahan sa Southern California, at responsable para sa taunang Golden Globe Awards, na kumikilala sa mahahalagang halimabawa kapwa sa telebisyon at pelikula.
Liza Flores