Performance ng law schools sa bar exams, iniranggo ng SC
Sa unang pagkakataon ay ang mga law schools ang iniranggo ng Korte Suprema sa isinagawang bar examinations.
Ang University of the Philippines sa Diliman ang nanguna sa may pinakamaraming bilang ng parehong exemplary at excellent passers.
Mula sa 761 exemplary passers o mga nakakuha ng 85% hanggang 90% na grado sa bar exams, 147 sa mga ito ay graduate ng UP Law School.
Sa UP naman galing ang apat sa 14 excellent passers o may grado na higit sa 90% sa pagsusulit.
Inilabas ng SC ang listahan ng excellent passers.
Pero hindi na sila iniranggo at hindi isinapubliko ang grado.
Samantala, ang Ateneo De Manila University naman sa mga law schools na may higit 100 bar takers ang Top 1 sa may pinakamaraming passers sa bar exams.
Mula sa 280 na takers mula Ateneo ay 279 ang pumasa o katumbas ng 99.64% na passing rate.
Sinabi ni Bar Chair at SC Justice Marvic Leonen na ang recalibration ng grading system at ang hindi paglalabas ng Top 10 passers ay bahagi ng ipinatupad na reporma sa pagsusulit.
Layon din aniya ng pag-ranggo sa law schools na makapagbigay ng feedback sa legal education.
Moira Encina