Permanent display ng mga rebulto, imahe at iba pang religious icons, ipagbabawal na ng SC sa Halls of Justice
Ipinagbabawal na ng Korte Suprema ang pagkakaroon ng permanenteng display ng mga rebulto, imahe at iba pang mga religious icons sa lahat ng mga halls of justice sa buong bansa.
Batay ito sa resolusyon ng Korte Suprema kaugnay sa apela ng isang Tony Valenciano laban sa pagsasagawa ng araw-araw na misang katoliko sa basement ng Quezon City Hall of Justice.
Ayon sa SC resolution, maari lamang ilagay ang mga imahe at rebulto sa mga halls of justice kung mayroong mga religious celebration pero dapat itong itago sa publiko pagkatapos ng aktibidad bilang respeto sa ibang mga relihiyon at sa mga non-religious.
Pero sinabi ng Korte Suprema na hindi iligal at hindi labag sa konstitusyon ang pagsasagawa ng misa ng mga katoliko sa mga halls of justice.
Magiging dangerous precedent at magdudulot ng domino effect kung ipagbabawal ng tuluyan ang anomang religious rituals sa halls of justice.
Hindi rin aniya pagpabor sa isang relihiyon ang pagpayag sa mga misa at hindi rin pinipilit ang sinoman na pumunta doon.
Binigyang diin ng SC na maari din namang gamitin ng ibang sekta o relihiyon ang halls of justice sa kanilang mga religious activities.
Sa serye ng mga liham kay dating Chief Justice Reynato Puno mula Enero 2009 hanggang Marso 2010, iginiit ni Valenciano na ang pagpayag sa pagdaraos ng catholic masses sa loob ng QC hall of justice ay nagdulot ng persepsyon na pinapaboran nito ang nasabing relihiyon na labag sa saligang-batas.
Nakakagambala rin aniya sa pagseserbisyo sa publiko ng hall of justice ang isinasagawang misa doon at halos ginawa ng kapilya ng romanong katoliko ang basement ng QC hall of justice dahil sa mga rebulto at larawan na nakalagay doon.
Ulat ni: Moira Encina