Peru, nakasamsam ng cocaine bricks na nakabalot sa Nazi insignia
Nakasamsam ang anti-narcotics officers sa Peru ng 58 kilo ng cocaine na dadalhin sana sa Belgium, na nasa packages na may Nazi symbols at may pangalang Hitler.
Ang mga droga ay nakatago sa 50 packages na kasinglaki ng bricks, na ang bawat isa ay may Nazi swastika, batay sa mga larawang inilabas ng pulisya. Ilan sa packages na may nakasulat na salitang Hitler ay nakabukas.
Natagpuan ang mga droga sa isang Liberian flagged boat sa maliit na bayan ng Paita sa hilaga, malapit sa border ng Peru sa Ecuador.
Nanggaling ito sa Guayaquil, ang Ecuadoran port city na kilala bilang pangunahing jumping off point para sa South American drugs na patungo sa Estados Unidos at Europe.
Hindi naman sinabi ng mga pulis kung mayroon silang naaresto.
Ang mga drogang nakabalot sa Nazi insignia ay hindi pa na-ecounter ng Peruvian police. Ngunit noong 2022 ay nakasamsam ang Peruvian authorities ng 22 tonelada ng cocaine.
Kasunod ng kapitbahay nitong Colombia, Peru ang pinakamalaking producer ng cocaine sa buong mundo, kung saan nakapagpo-produce ito ng humigit-kumulang 400 tonelada kada taon ayon sa official figures.
Ang bansa ay isa rin sa pinakamalaking producers ng coca leaf, isang produktong legal kung gagamitin sa pagnguya para makagawa ng herbal extract o sa paggawa ng herbal remedy drink, ngunit isa ring pangunahing sangkap sa paggawa ng cocaine.