PET ibinasura ang motions to inhibit nina dating Sen Bongbong Marcos at OSG laban kay Justice Marvic Leonen
Tuloy ang paghawak ni Supreme Court Justice Marvic Leonen sa election case ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay matapos ibasura ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang magkahiwalay na motions to inhibit na inihain ni Marcos at ng Office of the Solicitor General.
Hindi naman tinukoy ng Supreme Court Public Information Office kung ano ang dahilan ng PET sa pagtanggi nito na mag-inhibit si Leonen bilang member-in-charge sa poll protest.
Nais nina Marcos at ng OSG na bitiwan ni Leonen ang kaso dahil sa sinasabing pagiging bias at pag-delay sa protesta.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag ng PET ang OSG at si Manila Times reporter Jomar Canlas kung bakit hindi sila dapat patawan ng contempt ng hukuman.
Ang mga artikulo ni Canlas ang binanggit sa mga mosyon nina Marcos at OSG.
Una nang iginiit ni Marcos na kung mananatili si Leonen na ponente ng kaso ay patuloy na uupuan nito ang apat na taon niyang protesta hanggang sa maging moot and academic na ito dahil sa 2022 elections.
Moira Encina