PET iniutos na ang retrieval, decryption at printing ng mga balota sa tatlong pilot provinces na sakop ng poll protest ni BBM
Tuloy na ang manual recount sa mga kinukwestiyong boto sa Vice Presidential Race noong 2016.
Ito ay matapos ipag-utos ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang retrieval, decryption at printing ng ballot images sa tatlong pilot provinces sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Sa resolusyon ng PET noong August 29, sinabi na pinapahintulutan sa ilalim ng PET rule 65 na magsagawa ng revision o recount ng mga boto at pagtanggap ng mga ebidensya mula sa mga pilot province muna sa protesta ni Marcos.
Ito ay para mabilis na madetermina kung may batayan ang protesta at kung itutuloy ang recount sa mga balota mula sa iba pang contested provinces o sa lahat ng presinto.
Kasabay nito, ibinasura ng PET ang first cause of action ni Marcos na ipawalang bisa ang proklamasyon ni Robredo.
Ayon sa PET, walang saysay para pagbigyan ang first cause of action dahil batay mismo sa abogado ni Marcos, kahit sila ay mapaboran, hindi ito mangangahulugan na otomatiko nang bise presidente ang kanyang kliyente dahil kinakailangan pa ring mag-manual recount sa lahat ng mga presinto.
Ito ay para anila sa judicial economy at mabilis na pagpapasya sa protesta.
Dahil dito, nilinaw ng PET na tuloy pa rin ang pag-usad ng protesta ni Marcos.
Ulat ni: Moira Encina