PET may kapangyarihan na magpawalang-bisa ng resulta ng eleksyon-COMELEC
Nasa kapangyarihan at hurisdiksyon ng Presidential Electoral Tribunal ang annulment ng mga boto.
Ito ang sinabi ng COMELEC sa inihain nitong komento sa Supreme Court na umuupo bilang PET kaugnay sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Isa sa mga hinihiling ni Marcos sa PET sa kanyang protesta ay mapawalang-bisa ang resulta ng halalan sa pagka- bise-presidente sa tatlong probinsya sa Mindanao dahil sa sinasabing malawakang dayaan.
Sa komento ng COMELEC, inihayag nito na sa ilalim ng Saligang Batas at ng 2010 PET Rules ay may kapangyarihan ang Tribunal na ipagutos ang annulment ng mga boto nang hindi nagsasagawa ng special elections.
Ayon sa COMELEC, nakasaad sa Article VII, Section 4 ng 1987 Constitution na ang Korte Suprema ang sole judge sa lahat ng mga pagkwestyon kaugnay sa halalan.
Pero nilinaw ng poll body na wala sa hurisdiksyon ng PET ang magdeklara ng failure of elections at magpatawag ng special elections dahil ito ay nasa kapangyarihan ng COMELEC.
Una na ring naghain ang Office of the Solicitor General ng komento kung saan sinabi rin nito na may otoridad ang SC na magpawalang-bisa ng mga boto.
Moira Encina