Petisyon laban sa pagiging Pangulo noon ng Boy Scouts ni dating VP Jejomar Binay, ibinasura ng Korte Suprema
Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon na kumuwestyon sa pagiging National President ng Boy Scouts of the Philippines ni dating Vice- President Jejomar Binay habang ito ang Pangalawang Pangulo noon.
Sa resolusyon ng Supreme Court en Banc na may lagda ni Clerk of Court Edgardo Aricheta, sinabi na moot and academic na ang petisyon dahil natapos na ang termino ni Binay noong 2016.
Ang petisyon ay inihain ng abogadong si Jesus Nicardo Falcis III noon pang 2015.
Ayon sa petitioner, labag sa Konstitusyon at nakagawa ng Grave Abuse of Discretion si Binay nang humawak ito ng ibang posisyon habang nakaupo bilang Bise-Presidente.
Alinsunod anya sa Article 7 Section 13 ng Saligang Batas, hindi maaring humawak ang Pangulo, Pangalawang -Pangulo, Cabinet members at kanilang Deputies at Assistant ng iba pang tungkulin sa gobyerno maliban sa kanilang kasalukuyang posisyon bilang mga halal na opisyal.
Ulat ni Moira Encina