Petisyon na ipahinto ang implementasyon ng TRAIN law, ipinababasura sa Korte Suprema ng OSG

Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon na ipahinto ang implementasyon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion law o TRAIN law.

Sa mahigit pitumpung pahinang consolidated comment na isinumite ng OSG sa Supreme Court, sinabi na depektibo at walang merito ang mga petisyon ng mga militanteng kongresista at ng grupong laban konsyumer incorporated laban sa TRAIN law.

Ayon sa OSG, lubhang magdurusa ang gobyerno at publiko kapag ipinawalang-bisa ang tax reform law.

Tinatayang 146.6 billion pesos anila ang mawawala sa pamahalaan kapag nangyari ito.

Paliwanag pa ng OSG inaasahang 89.9 billion pesos ang incremental revenues o kita mula sa TRAIN law sa 2018 at 786 billion pesos sa unang limang taon.

Magreresulta din anila sa mas mababang budget at kaunting investment sa mga priority programs ng gobyerno sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura at iba pang social services kapag idineklarang labag sa konstitusyon ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Iginiit ng OSG na epektibo ang train law dahil nadarama na ng mga income wage earners ang mga benepisyo ng mas malaking take home pay habang ang mga non- wage earners ay natanggap na ang kanilang unconditional cash transfer.

Dahil dito hinimok ng SolGen ang Supreme Court na katigan ang constitutionality ng TRAIN law.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *