Petitioners iniapela sa SC ang Anti-Terror law ruling
Naghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang mga Anti- Terror law petitioners dahil sa pagpapatibay sa karamihan ng probisyon ng kontrobersyal na batas.
Sa apela ng 26 petitioners, hiniling ng mga ito sa Supreme Court na rebyuhin at irekonsidera ang ruling nito na kumakatig sa constitutionality ng Anti- Terror Act (ATA).
Naniniwala ang mga ATA petitioners na magagamit ang batas para tugisin ang mga kritiko ng gobyerno.
Iginiit nila na hindi na kailangan ng ATA para hulihin at sugpuin ang mga terorista.
Partikular na nais nila na muling tingnan ng mga mahistrado ay ang Section 29 ng batas o ang warrantless arrest sa mga suspected terrorists.
Muli rin nilang kinuwestiyon ang labis na kapangyarihan na ibinigay sa Anti-Terrorism Council.
Ang layon din anila ng kanilang apela ay tangkaing sagipin ang buhay partikular ng mga pinaghihinalaang terorista.
Sa desisyon ng SC noong Disyembre ng nakaraang taon, tanging dalawang probisyon ng ATA ang idineklarang labag sa Saligang Batas.
Kulang anila ang dalawang probisyon na ipinawalang-bisa dahil marami pang bahagi ng batas ang labag sa Konstitusyon.
Umaasa ang mga petitioners na magbabago ang isip ng mga mahistrado at aaraling muli ang kinukuwestiyong mga probisyon ng Anti- Terrorism law.
Moira Encina