Petitioners kontra Anti-Terror law , hiniling sa Korte Suprema na makalahok sila sa preliminary conference ng kaso sa pamamagitan ng videoconferencing
Nais ng mga Anti-Terrorism law petitioners na isagawa ng Korte Suprema sa pamamagitan ng videoconferencing ang preliminary conference sa mga petisyon.
Una nang itinakda ng Supreme Court ang preliminary conference sa 37 petisyon sa November 26 sa ganap na ika-2:00 ng hapon sa Session Hall ng Korte Suprema.
Sa Omnibus Motion na inihain ng mga petitioner, ikinatwiran nila na mula sa ibat ibang panig ng bansa kabilang na ang Visayas at Mindanao ang mga abogado ng mga petitioner.
Paliwanag nila umiiral pa rin ang mga travel restrictions at mandatory quarantine protocols dahil sa mga kaso ng COVID-19.
Ayon pa sa mga petitioner, impractical at may seryosong panganib sa kalusugan ng mga counsel at attendees kung pisikal na dadalo silang lahat sa preliminary conference.
Dahil dito, iginiit ng mga grupo na pinakamabuti para sa mabilis na resolusyon ng kaso na idaos ang preliminary conference sa pamamagitan ng videoconferencing.
Sa nasabing proceeding, ilalatag ang mga isyung tatalakayin sa oral arguments.
Kaugnay nito, hiniling din ng mga petitioner sa SC na ilimita ang oral arguments sa tatlong isyu.
Partikular sa pagiging malawak, malabo ng ilang probisyon ng Anti Terror Act, at ang pangangailangan sa pagiisyu ng TRO laban sa batas.
Sinabi pa ng mga petitioner na ang mga procedural issues ay pwedeng talakayin na lamang nila sa kani-kanilang memoranda at aksaya lang sa panahon kung isasama ang mga ito sa oral arguments.
Moira Encina