Pfizer, humingi ng emergency authorization para sa kanilang Covid vaccine na para sa mga batang wala pang 5 taong gulang

Photo: CHADEER MAHYUDDIN / AFP

Humingi ng emergency authorization ang Pfizer at BioNTech sa health regulators ng US, para sa kanilang Covid-19 vaccine na para sa mga batang higit anim na buwan ang edad hanggang sa wala pang limang taon.

Sakaling pahintulutan ng US Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang two-shot Covid vaccine jab, ito ang magiging kauna-unahang bakuna na magagamit para sa nabanggit na age group.

Ayon sa Pfizer at BioNTech, nagsumite na sila ng pormal na aplikasyon kasunod ng isang kahilingan sa FDA.

Kaugnay nito ay sinabi ng FDA, na magpupulong sila sa Pebrero 15 upang pag-usapan ang kahilingan.

Wika ng FDA OIC na si Janet Woodcock . . . “Having a safe and effective vaccine available for children in this age group is a priority for the agency, in light of the recent Omicron surge.”

Ang mga kompanya ay humingi ng approval para lamang sa dalawang shot ng bakuna, pero naniniwala sila na kakailanganin din ng ikatlong dose.

Ayon kay Pfizer CEO Albert Bourla . . . “It is to achieve high levels of protection against current and potential future variants. If two doses are authorized, parents will have the opportunity to begin a Covid-19 vaccination series for their children while awaiting potential authorization of a third dose.”

Upang malimitahan ang side effects para sa nabanggit na age group, binawasan ng Pfizer ang dosage ng bakuna. Tatlong micrograms lamang para sa mga edad higit anim na buwan hanggang wala pang 5-taon.

Ayon sa researchers ng kompanya, ang mababang doses ng bakuna ay magbibigay ng proteksiyon sa mga batang hanggang dalawang taong gulang, nguni’t hindi para sa edad 2-5, at noong Disyembre ay inihayag ng Pfizer na magdaragdag sila ng ikatlong dose sa kanilang mga trial.

Kapag inaprubahan ng FDA ang kahilingan ng Pfizer para sa emergy use ng kanilang bakuna, magpupulong naman ang isang advisory committee ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), para pagpasyahan kung irerekomenda nila ang paggamit nito o hindi.

Please follow and like us: