PHA: Bilang ng may altapresyon na matanda at bata sa bansa, tumaas
Patuloy ang pagdami ng bilang ng parehong matanda at bata na hypertensive o may high blood pressure sa bansa.
Ito ay batay sa isinagawang nationwide survey mula Enero hanggang Abril ngayong taon ng Philippine Heart Association (PHA).
Batay sa resulta ng hypertension survey ng PHA, mula sa dating 28% noong 2013 ay umakyat sa 37% ngayong 2021 ang prevalence ng may altapresyon na matanda sa bansa.
Katumbas ito ng tatlo hanggang apat na may hypertension sa bawat 10 indibidwal.
Kabuuang 2,796 adults mula sa lahat ng rehiyon ang kalahok sa survey.
Nabatid din na tumaas din ang prevalence ng hypertension sa adolescents o may edad 12 hanggang 18 taong gulang na 5% mula sa dating 1% noong 2013.
Ito ay mula sa 641 kabataan na nakasama sa pag-aaral.
Ayon pa sa PHA survey, ang top three na rehiyon na may pinakamadaming bilang ng may altapresyon ay ang Ilocos Region, Cagayan Valley, at Western Visayas.
Lumabas din na 18% ay unaware o hindi alam na sila ay hypertensive.
Sinabi ng PHA na nakaapekto rin ang COVID-19 pandemic kaya dumami ang may altapresyon sa bansa lalo na’t nasa bahay lang madalas ang mga tao at nagbago ang lifestyle at diet.
Pero, naniniwala ang grupo na kahit walang COVID ay patuloy na tataas ang prevalence ng may high blood pressure sa bansa.
Paliwanag pa ng PHA, isa sa mga pangunahing rason ng pagdami ng may altapresyon ay dahil pa rin sa genetics o nasa lahi.
Gayunman, nag-contribute din sa mataas na prevalence ng hypertension ay ang lifestyle ng mga tao.
Ayon sa PHA, ang hypertension ay isa pang pandemya na dapat din pagtuunan ng pansin bukod sa COVID-19.
Maituturing din ito na bigger pandemic kung ibabase sa bilang ng mga taong may taglay nito at sa bilang ng mga nasawi bunsod ng sakit.
Kaugnay nito, hinimok naman ng mga eksperto ang buong pamilya pangunahin na ang mga magulang na magkaroon ng healthy at balanced lifestyle at diet at maipasa ito sa kanilang mga anak para maiwasan ang pagkakaroon ng hypertension.
Pinayuhan din ng PHA ang publiko na pag-aralan ang tamang pagkuha ng blood pressure at ugaliin na i-check ang kanilang BP kahit walang nararamdaman
Ito ay dahil kadalasang walang sintomas ang hypertension kaya ito tinatawag na “silent killer.”
Maging sa mga bata ay mahalagang ma-check ang BP kahit isang beses kada taon lalo na kung ito ay overweight o kaya ay obese.
Moira Encina